ANG SIMBAHAN AY HUWAG GAWING LUNGGA NG MAGNANAKAW

PB Homily at the blessing of Krus na Banal Church

Pinagpala po ang araw na ito dahil isang bagong bahay ng ating Diyos ang ating iya-alay sa kanya. Pagpalain po tayong lahat at lalong-lalo na kayong congregation ng Krus na Banal. Kayo ay pagkakalooban ng kapayapaan dahil yan ang sinabi ng ating Diyos na Makapangyarihan sa lahat, “Ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” (Hagai 2:9)

Kailangan po nating pagpasalamatan ang St. Luke’s Medical Center, ang ating ospital sa Quezon City, dahil sila po ang nagbigay sa atin ng perang ginamit sa pagtatayo ng simbahan na ito. Pasalamatan din po natin ang lahat ang mga tumulong sa iba’t-ibang pamamaraan para maitayo ang ating bahay-dalanginan.

Ang atin pong ebanghelyo ngayong umaga ay galing sa aklat ni San Mateo, capitulo dalawampu’t isa, mag-umpisa sa labing-isa hanggang sa labing-anim na bersikulo. Marahil po ay alam na alam natin ang kuwento na ito kung saan pumasok si Jesus sa templo sa Jerusalem at galit na ipinagtabuyan nya ang  mga nagtitinda at namimili roon. Mabuti at nandito ang mga staff ng ating E-CARE Foundation na masisipag mag tinda sa ating ibat-ibang mga simbahan sa Linggo. Pa-alala sa inyo at sa ating lahat ang ebanghelyo natin ngayong umaga.

Nagalit ang ating Panginoon pero hindi naman sa mismong gawaing pagtitinda lamang ang ikina-galit nya. Ang sabi nya sa bersikulo labing-tatlo, “ang aking tahanan ay tatawaging bahay dalanginan, ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” Kaya kayong mga taga E-CARE, alam nyo naman na ang hindi magandang gawain ay hindi ung pagtitinda mismo lalong-lalo na kung ang mga pinagtitinda natin ay galing sa ating mga partner communities at ginagawa natin ito para naman makatulong sa kanila. 

Ano ba kasi ang nangyayari sa  tempo sa Jerusalem noong panahon in Jesus? Alam nyo po, nakapasyal kami sa Jerusalem kung saan dating nakatayo ang templo at ito po ay malaking lugar. Wala na ang templo na un dahil sinira noon pa pong taong 70 AD at hindi na pinatayo muli pero makikita kung saan ito nakatayo sa mga sinaunang mga guho. Sa laki ng templo, may iba’t-iba pong section yan at ang kuwento sa ating ebanghelyo ngayon ay nangyari sa section na kung tawagin ay Court of the Gentiles.

Katulad po ngayon na kung ikaw ay magmimisa sa simbahan, kelangan magbigay ka ng offering. Ganon din sa templo noong araw – may dalawang kelangan ibigay, una ang temple tax o buwis para sa templo na kelangan ibigay sa isang uri ng coin. Sa tagalog, ang coin ay barya o kaya ay sampera na maliit lang ang halaga. Pero sa panahon ng Bibliya, wala namang perang papel kundi coin lang at ito ay pwedeng malaki ang halaga depende sa laman na pilak o silver o kaya ay ginto. Bukod sa pagbibigay ng temple tax, kelangan din na ang isang magsasamba sa templo ay mag-alay ng isang hayop at para sa mga maralita, ang ginagamit sa burnt offering ay isang kalapati.

Ang mga iba’t-ibang tao na nag-sasamba sa templo ay galing sa kung saan-saan at marami sa kanila sa malalayo pa ang pinang-galingan. Kaya ang pagpapalit ng pera ay isang serbisyo para makakuha ang isang tao ng perang pilak dahil yan lang ang klase na tinatanggap para sa buwis. Ganon din ang pag benta ng kalapati para ung mga galing sa malayo ay hindi na kelangan pang magdala ng mga ito. Maganda namang serbisyo ang palitan ng pera at bentahan ng pang alay. Kaya lang ang mga ito ay naging pamamaraan ng pagyaman ng mga nagpapatakbo sa mga negosyong ito dahil may mga karagdagang bayaran sa pagpapalit ng pera at ang presyo ng kalapati naman ay mahigit pang doble sa presyo sa labas. Ang masama pa dyan ay pwede namang bumili nga kalapati sa labas pero dahil kelangan ang iya-alay na kalapati ay walang sugat o gasgas o dumi, ang mga nag-iinpeksyon sa mga ito na kasabwat ng mga nagtitinda ay naghahanap ng kahit napakaliit na gasgas o sugat para lang ma disqualify ang mga kalapating galing sa labas at mapilitan ang isang tao na bumili sa kanila sa napaka-taas na presyo. Doon galit na galit ang ating Panginoon. Kaya pinagtabuyan niya ang lahat ng gumagawa ng masasama lalong-lalo na kung ito ay may kasamang panluluko sa kapwa.

Ang Banal na Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng maraming aral. Bawat kuwento, iba’t-ibang klase ang pwede nating matutunan dito. Katulad ng ating ebanghelyo ngayon, napaka linaw naman na nagalit ang ating Panginoon dahil sa panluluko at pagnanakaw na nangyayari sa isang parte mismo ng templo.

 Ulitin ko ang sinabi ni Jesus na ang tahanan ng Diyo ay para sa pagsamba at pagdasal pero ito ay  ginawang lungga ng mga magnanakaw. Sa English, ang templo daw ay ginawang “den of thieves” o ito ay puntahan o taguhan ng mga magnanakaw.

Kaya pwede rin nating tingnan na ang ikina-gagalit ng ating Panginoon ay ang pag-gamit sa templo o bahay-dalanginan na isang puntahan ng mga magnanakaw, gaya ng nasabi ng isang dakilang manunulat na si Crossan. Ibig sabihin nito, ang pagnanakaw ay ginagawa sa labas. Tapos, ang gumagawa nito ay nagsasamba sa templo tuwing araw ng pagsamba. Kung titingnan, dahil wala namang ginagawang masama ang taong ito sa loob ng templo kundi pumupunta at nagsasamba, nakakapag-bigay ng pag-iisip na sya ay isang taong maka-Diyos pero sa katotohanan, ang gawain nya sa labas ng templo ay pagnanakaw.

Sa iba’t-ibang simbahan ngayon, marami din ang ganito na sa araw ng simba, sila ay religiyoso. Kasama ang mga pamilya na nagsisimba tuwing linggo.  Pero sa Lunes hanggang sa Sabado, ang gawain naman ay puro masama. Yan din ang isang klase na pinaniniwala-an ko na siguradong ikina-gagalit ng ating Panginoon.

Mga kapatid, ang Pilipinas po ay itinuturing na sya lamang ang Kristiyanong bansa sa buong Asya. Halos syamnapong porsiyente ng mga Pilino ay Kristiyano. Pero ang ating bansa naman ay napakataas ang pwesto sa listahan ng pagnanakaw sa gobyerno o korapsyon. Paano nangyari ito na halos lahat nga mga tao sa Pilipinas ay Kristiyano pero isa tayo sa pinakamataas sa listahan ng mga korap. Ang ibig sabihin nito marami sa atin ang relihiyosong nagsisimba sa Linggo pero pagnanakaw naman sa gobyerno ang ginagawa sa araw-araw.  Ito ang mga tinutukoy ng ating Panginoon na gumagamit sa ating mga simbahan na isang lungga ng magnanakaw.

Meron din isang aral na matutunan natin dito sa ating ebanghelyo na galing naman sa panunulat ni Jonathan Mahurin sa website ng A Common Man’s Bible Journey. Uulitin ko na ang section sa templo na kung saan ay ginagawa ang pagpalit ng pera o pagbenta ng kalapati ay ang tinatawag na Court of the Gentiles. Dito pwedeng magsamba ang mga Gentiles o ung mga hindi kalahi ng mga Hudyo. Bawal po ang Gentiles na pumasok sa iba pang parte ng templo. Pero ang section na ito o ang Court of the Gentiles ay hindi lamang puntahan ng mga hindi Hudyo. Dito rin pwedeng mag samba ang mga dukha at mga may sakit na katulad ng bulag, pipi, bingi o pilay. Ang mga ito ay itinuturing noong panahon na yun na walang kapangyarihan. Pero dahil sa mga bintahang nangyayari sa section na ito, ang mga Gentiles, ang mga dukha at may sakit ay hindi na nakakapasok kaya hindi na sila nakaka samba. Kung naka tiyempong naka pwesto sa isang ipit na lugar sa section na ito, hindi rin makapag-dasal dahil sa ingay sa paligid. Bawal naman silang pumunta sa ibang parte ng templo kaya sila ay ninanakawan ng pagkakataon na magsamba sa Diyos. Kaya noong pinalayas ng ating Panginoon ang mga bumibili at nagbebenta sa parte na yun, doon lamang nakapasok at makapag-samba ang walang kapangyarihan sa lipunan.  Kaya kasama sa ating ebanghelyo ngayon, ayon sa bersikulo labing-apat, ay pinagaling ni Jesus ang mga bulag at pilay.

Makikita natin sa aral na ito na ang pagnanakaw or panluluko ng kapwa ay nagbibigay na karagdagang pasakit sa mga tao, hindi lamang sa mga kapwang naluluko o pinagnakawan kundi kasama din ang mga taong walang kapangyarihan. Ganyan din sa ating lipunan ngayon, ang pagnanakaw sa gobyerno ay hindi lamang pinipigilan ang magandang programa ng gobyerno pero nawawalan ng serbisyo ang mga nanga-ngailangan katulad ng may mga kapansanan o sakit at ang mga mahihirap. May nagsasabi na ang 4Ps daw na programa ng gobyerno ay parang wala namang pina-asensong mga beneficiary pero may mga yumaman na daw diyan sa mga namamahala sa programa.

Kaya kasama sa ikinagagalit ng ating Panginoon ay ang pag-gamit sa simbahan para

Tayo ay nagtitipon ngayon sa isang misa para mabasbasan ang ating bagong simbahan. Kasama sa pasasalamat sa ating Diyos na makapangyarihan ay ang ating pagdadasal na ang ating simbahan na ito ay hindi magiging lungga ng magnanakaw. Ito ay bahay-dalanginan at gagawin natin ang nararapat para ma-sigurado na walang panluluko sa kapwa ang mangyayari dito sa loob at labas ng simbahan na ito. Ipagdasal din natin  na ito ay hindi maging puntahan ng mga patuloy na gumagawa ng masasama.

Ipinapaliwanag ko lang na hindi ibig sabihin ay hindi pwedeng pumasok ang mga makasalanan dito. Sa kabaligtaran, itong simbahan na ito ay bahay mismo ng mga makasalanan katulad nating lahat. Ang simbahan na ito ay puntahan nating makasalanan para maka pagdasal at humingi ng kapatawaran sa ating Panginoon. At ang pagpasok at pagsamba dito ang magiging simula ng pagtigil sa makasalanang gawain.

Katulad ng nasabi ko kanina, kasama sa ikinagagalit ng ating Panginoon ay ang pag-gamit sa simbahan para mai-pakita sa ibang mga tao na yung mga gumagawa ng masama ay maka-Diyos. Dahil sa ganyang pag-gamit sa simbahan, sila pa ang mga paboritong kinukuha nating mag ninong at ninang sa ating mga anak na pabibinyagan o kinakasal.  Kung meron mang ganito na papasok sa simbahan natin sa kinabukasan, kasama sa panalangin natin na ang pagsamba dito ang magbibigay sa kanila ng kaisipan na bumalik sa gawaing kagustuhan ng ating Panginoon.

Sa pagwawakas ng ating ebanghelyo, noong nakita ng mga bata ang ginawa ni Jesus na pagpapagaling sa mga may sakit, sila ay napasigaw ng “Purihin ang Anak ni David!” Matatandaan natin na noong bata pa si Jesus ay dinala ng mga magulang niya sa templo sa Jerusalem. Kaya alam natin na mga bata noong panahon na yun ay talagang dinadala sa templo para ma umpisahan ang kanilang pagiging madasalin at mapalapit sa Diyos. Noong araw na un, may mga bata sa loob ng templo, hindi sa Court of the Gentiles kundi doon mismo sa malaking section na kung saan nagsasamba ang mga Hudyo at ng malaman nila ang ginawa ni Jesus, sila ay pasigaw na nag papuri sa kanya.

I-dalangin din natin na ang simbahan na ito ay magiging bahay ng pagpupuri sa Diyos ng ating mga kabataan.

Bilang pagtatapos, akin pong pinagdadasal na “Nawa’y ipagkaloob ng ating Ama sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman!”  Amen.